Bakit nga ba baliktad magbasa ang mga Pilipino? by Bob Ong Book Review
By Akbor Bzaias

Bakit nga ba baliktad magbasa ang mga Pilipino?
Sa cover pa lang ng libro'y naintriga na ako.
Kaya't agad-agad ko itong binili.
Nagbayad ng 250, kuha resibo saka uwi.
Di ako makapaghintay, kating-kati na ang aking mga kamay para tastasin ang plastik na nakabalot sa nasabing libro. 'Langyang jeep 'to... Bilisan mo naman! Gusto ko nang umuwi!

Hay... nakauwi na rin, sa wakas. Ngunit di ko napansin na naroon pala ang libro sa aking bag... Chat na naman ang inatupag... (siraulo) Matapos ang maraming oras na nakaupo at nagta-type ng kung anu-anong kabaliwan, ako'y unti-unting hinihila ng aking kama. "Matulog ka na, matulog ka naaaaaaaaa...". Ngunit sa paghubad ko ng aking chinelas, bigla kong naalala ang aking biniling libro. Kumaripas papunta sa bag, binuksan ang zipper sa harapan, at kinuha ang libro.

Sa wakas, mababasa na rin kita. Ngunit mayroong maliit na hadlang. Yung plastik. Ang hirap buksan. Wala pa namang gunting. Nye, bahala na. Kakagatin ko na lang. Ganun rin yun. Kinagat ko ang plastik. Mabuti na lang at walang lasa. Kung meron mang nakakita sa aking ngumangata sa libro'y mapapagkamalan nila akong baliw. O di kaya'y mali lang ang pagkakaintindi sa salawikain ni Francis Bacon.

Tarantadong plastik 'to, buti nama'y natanggal ko na. YES. Ito na ang aking pinakahihintay. Bob Ong, pare. Marami na akong naririnig sa taong ito. Magaling raw. Pero di ko pa masasabi yun, wala pa naman akong nabasang libro nya e. Hanggang ngayon.

Eto na.

Bihira na lamang sa akin ang mga librong babasahin ko mula simula hanggang sa katapusan. ASTIG. Bihira lang talaga. Sa wakas, may dumating na rin. Matagal-tagal na rin akong hindi nakakabasa ng libro. Kamuntikan ko na ring malimutan na magbasa. Buti na lang madaling maintindihan ang bawat salita sa libro. Wala yung mga matatalinghagang salita, mahina ako dun e. Lahat, simple. Madaling maintindihan. Kaya madali mo rin itong matatapos. Pagkatapos sa isang pahina, hindi ka makahintay na basahin ang susunod na pahina. Hanggang sa wala na palang pahina. Sana, lahat ng libro ganito ang epekto sa akin.

Pwet, ang dami kong dada.

Taym to rebyu.

Kapag nabasa mo ang librong ito, makokonsensya ka. Pagsisihan mo ang lahat ng mga masasamang salitang binitawan mo ukol sa ating bansa. Pagsisihan mo ang bawat basurang itinapon mo sa tabi-tabi. Magsisisi ka. Mabuting magsisi ngayon, kaysa dumating pa ito sa huli.

Lakas tama talaga ang librong ito. Di mo minsan mapigilang umiyak, dahil TOTOO. Totoo. Masaklap ang katotohanan. Marami ang tumataliwas sa katotohanan. Dahil mahirap tanggapin. Buti naman sa librong ito, meron kang anaesthesia, 'di gaano masakit.

Dati sa bawat imaheng nakikita ko sa balita, di ko mapigilang magsalita ng masama.

"Tingnan mo 'tong Japan ang linis linis, di tulad ng Pilipinas."

"Tingnan mo 'tong America, walang trapik."

"Tingnan mo 'tong Hawaii, ang ganda mga beach"

Ngunit ng nabasa ko ang nasabing libro, di na ako nagsalitang muli.

Bakit, magiging malinis rin naman ang 'Pinas a. Tayo lang ang problema. Mahina ang ating disiplina. 'Di tulad ng mga Hapon, uupo na nga lang sila'y disiplina pa rin ang kailangan e. Masakit ang upong Samurai, pare. Katulad na rin sa America, walang trapik. Disiplina lang talaga. Kung tayo ba'y nag-iingat sa mga ginagawa natin araw araw malamang ay wala na tayong problema ukol d'yan. Tapos sa Hawaii, maganda ang beach. Sus, ano naman? Meron naman tayong Boracay a!

Di ba?

Ah, ewan. Gutom na ako. Dehins ko na pwedeng ituloy. Besides, my fifteen minutes are up. Pasensya na, sinusunod ko lang ang mga guidelines ni Ricky Lee. hehehe. Isusunod ko nga palang review ay ang libro nyang "Trip to Quiapo" kapag natapos ko na.

CONCLUSION

Basahin nyo na lang. Wala na akong sasabihin. Para may thrill. Di ba? Basta, maganda. Yun lang. MAGANDA. Kaso nakakabitin e. Pero ok lang. Ganun raw ang magagandang libro e, nakakabitin. Parang sine na rin. Parang Star Wars, may anim na episode. Nabitin yung mga tao e. Ewan ko, sinadya ata nila yun e.

BOOKIE BOOKIE RATING SYSTEM

4.856643492 over 5

ASTIG.

IV-Lope K Santos 2003
Contact information here.